Industries News.Net

DILG-Manila, nangangailangan ng 1,500 contact tracers


Philippine Information Agency
18 Sep 2020

LUNGSOD CALOOCAN, Set. 18 (PIA) -- Hinihikayat ng Department of the Interior & Local Government (DILG)I-Manila ang mga Manileno na tumulong sa pagsugpo ng COVID-19 sa lungsod sa pamamagitan ng pag-apply bilang mga contact tracers.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni DILG-Manila Director Atty. Rolynne Javier ang proseso ng pag-apply para sa nasabing pusisyon.

"Sa DILG-Manila po, tumatanggap tayo ng online at tumatanggap din po tayo ng hard copies ng application. Sa office po natin dito sa city hall, gumawa po tayo ng drop box para sa mga applicants kung saan nila puwede ilagay ang kanilang application documents," pahayag ng direktor.

Ibinahagi rin ni Javier ang proseso ng pag-aapply online.

"Sa online naman po mayroong ginawang portal ang regional office namin kung saan puwede po doon mag-submit ng application ang mga candidates, mag-fill up lang din po sila ng form, mag sa sign-up lang din po sila," ani Javier.

Maaari namang mag-apply bilang contact tracers sa DILG-Manila ang mga Manileno na bachelor's degree holder - mas mainam kung sila'y nagtapos ng allied medical course o criminology, may kasanayan sa data gathering o pag-iinterview at marunong mag-imbestiga.

Samantala, kabilang sa mga responsibilidad ng mga contact tracer ang profiling at pagkuha ng panayam sa mga close contacts ng mga COVID-19 positive na mga indibidwal.

Kakailanganin din nilang makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at maging sa pribadong sector upang mas maayos na maisagawa ang contact tracing.

Samantala, ang mga matatanggap na contact tracers ay makakakuha ng Php 18,784 na sahod kada buwan sa ilalim ng isang Contract of Service na kasunduan sa pagitan nila at ng DILG-Manila. (MPIO/PIA-NCR)

Copyright ©1998-2020 Industries News.Net | Mainstream Media Limited - All rights reserved